Panganib ng Bayan
ni Manuel L. Quezon, Jr.
(Paalala: Ito ay unang lumabas noong Oktubre, 19, 1966 at ang ikalawang bahagi ay noong Oktubre 26, 1966 sa Graphic Pilipino Magazine)
Ang isang lipunan ay maaaring mabuwag kung ang kanyang layunin ay di matatamo
MAGSABI ka na ang ating bayan ay nasa panganib at maaaring magwakas at kaagad-agad sasabihin ng mga iba na kulang ka sa pagkamakabayan.
Tila dapat sabihin na, hindi man natin mahulaan kung papaano, makaliligtas din sa mga suliranin at panganib ang ating bayan at iigi rin ang lahat balang araw.
Nililinlang natin ang ating sarili kung gayon ang ating paniwala.
Sa kasaysayan ng daigdig, nababasa natin kung gaano karami ang mga bayan na dati-rati’y maginhawa’t makapangyarihan, na ngayo’y hindi na matatagpuan sa ibabaw ng lupa.
Nababasa natin sa Bibliya ang mga gawa ng kaharian ng Asirya, na sumakop sa napakaraming bansa sapagka’t ito’y makapangyarihan. Mahigit na 2000 taon nang nawala sa kasaysayan ang Asiya.
Isa pang halimbawa. Halos ang buong Europa, ang gawing hilaga ng Aprika, at ang bahagi ng Asya, na tinatawag na “New East” ay naging nasa ilalim ng pamahalaan ng Roma. Nguni’t mahigit nang sanlibong taon ang nakalipas na wala na ang Imperio Romano.
Dalawang halimbawa pa na may kaugnayan sa sarili nating kasaysayan –ang kaharian ng Srivijaya at ang kaharian ng Madjapahit, na sumakop sa ilang bahagi ng ating lupa sa lumipas na panahon, ay wala na rin.
Wala tayong maipagyayabang na katangian sa ibang bayan, na maging dahilan upang makaasa tayo na, anuman ang mangyari at anuman ang ating gawin, magpapatuloy at mabubuhay din ang ating bansa.
Bawa’t bansang ginamit nating panghalimbawa ay pawang bumagsak dahil sa masamang palakad o sa pagsama ng kanilang kaugalian. Kundi unang humina ang mga naturang bayan, hindi sana sila madaling nadaig ng mga nanglusob o kusang nagkahati-hati.
Dahil sa pagsulong ng mga kagamitang pandigma sa ating panahon, maaaring mautas ang isang bansa kahit na mainam ang palakad at maganda ang kalagayan.
Ilayo nawa ng Maykapal nguni’t kung maglabanan ang mga makapangyarihang bansa na may “atomic bomb,” maaaring mamatay o mapinsala ang karamihan ng tao sa ibabaw ng lupa, sapagka’t malalason ang hininga ng tao sa buong daigdig. Subalit hindi gayong pangyayari ang ating pinag-uusapan.
Kahit magkaroon ng kapayapaan sa kabilugan ng daigdig, maaaring magugulo at masisira din ang ating bayan. Nais kong pagkurukuruhan natin ang panganib na ito.
Tulad ng lahat ng bayan, ang atin ay isang uring lipunan o samahan ng mga mamamayan. Ang layunin ay ang kapakanan ng lahat, na iya’y matatamo sa pamamagitan ng katahimikan at kapayapaan, sa maayos na palakad ng pamahalaan at mabubuting batas upang huwag mahadlangan ang mga tao sa kanilang pagsisikap at paghahanap-buhay na sapat sa kanilang mga pangangailangan.
Higit pa sa roon, nauukol na humanap ng paraan ang pamahalaan upang umunlad ang kabuhayan ng mga mamamayan, at tumulong, kung sakali’t kailangan, upang dumami ang iba’t ibang uring paghahanapbuhay ng mamamayan.
Ang dahilan ng lahat na ito’y di lamang upang huwag magutom o lubhang magipit ang tao. Tungkulin ng pamahalaan na gumawa ng paraan upang ang mga tao’y magkaroon ng uring pamumuhay na karapat-dapat sa tao, at hindi sa hayop lamang.
Kung ang hangarin ng isang bansa ay ang kabusugan lamang ng mga tao at hindi na hihigit pa roon, ang ating kurukuro tungkol sa pamumuhay ng tao ay walang kaibhan sa pamumuhay ng mga kalabaw na tumatanggap ng sapat na pag-aalaga. Ang tao’y hindi hayop lamang.
Ang tao’y may isip, may diwa, may talino, may budhi, may kaluluwa. Ang lahat na bagay at kalakal sa ibabaw ng lupa na nasa kapangyarihan ng tao’y walang ibang dahilan kundi ang kapakanan at pag-unlad, ang pagsulong ng lubos niyang pagkatao, ang lubos niyang pamumuhay, hindi lamang sa mga bagay na nauukol sa kaniyang isip, sa kaniyang diwa, at sa lahat na ikinatatangi ng tao sa mga hayop.
Mahirap man ang kalagayan ng isang tao ay mayroon siyang pangangailangan upang maganap niya ang pamumuhay na sapat sa tao at karapatan ng tao. Kailangan niya ang sari-saring kagamitan at paraan, tulad ng pag-aaral at paliwanag, sining at siyensya, magagandang kagamitan at tanawin. Nangangailangan siya ng hanapbuhay na makapagbibigay sa kanya ng wastong kaluwagan upang matikman niya at pamihasnan ang lubos na pamumuhay ng tao.
Ang pag-aayos ng palakad ng buhay at kalagayan ng bayan upang ang mga mamamayan ay magkaroon ng pamumuhay na nararapat ay layunin ng samahang pambansa na tinuturang bayan at gayon din ng pamahalaan na siya ang pinangangasiwa ng bayan sa pagsasagawa ng mga naturang bagay na dapat isagawa.
Binanggit natin na ang bayan ay bilang iasng urnig samahan o lipunan. Ang isang samahan o lipunan ay hihina at maaaring tuloy na masira kapag ang kanyang layunin ay hindi natamo o pinagsikapang matamo.
Masisira din ang isang samahan kapag walang pagkakaisa ang mga kasapi sa lipunan, kapag nagkahiwa-hiwalay ang mga damdamin, kapag ayon sa lumalakad na biro, naging “kanya-kanyang kayod.”
Kung mawala sa isip ng mamamayan na sila’y bilang magkakapatid na dapat magtulungan upang guminhawa ang bawa’t isa at umunlad ang buong bayan, hindi ang ilan lamang, tiyak na mawawalan ng bisa ang bayan na gumawa ng magiging sa kapakanan ng lahat.
Sa madaling salita, kung ang mga pinanggagalingan ng pagkakahiwalay ng iba’t ibang mamamayan ay pababayaan nating lumago, ang ating bayang mahal ay babagsak, lulubog, mauutas.
Ang langit ng Pilipinas ay nagdidilim sa kapal ng mga panganib na ating hinaharap.
Nahahawig ang isang bayan sa isang kurtina. Pagkatibay-tibay man ang kurtinang iyan ay mapupunit at magkakapilas-pilas kapag hinila nang buong lakas sa magkabilang dulo.
Ang lipunan ng bayang Pilipino ay tumutuntong sa gayong uri ng panganib. Matibay man ang ating pagkakaisa, ngunit walang kahihinatnan ito kung pababayaan nating magpapatuloy ang mga bagay, mga pangyayari, at mga kilusang umiiral ngayon.
Anu-ano ang mga bagay na ito?
Mapagsasama-sama natin sila at mabubuo ng isang pangkalahatang paliwanag:
Ang ating kaugalian, simulain, at layunin ay nababago; higit pa diyan, sila’y nababaligtad. Napapalitan ang mga simulain at layunin na minana natin sa ating mga ninuno.
Kung minsan, walang kahalili ang mga simulain at layuning ito; kung minsan naman ay ang kahalili’y galing sa mga bayang banyaga, lalung-lalo na sa America, ang bansa na malakas makapagpasang-ayon sa isip at kalooban ng mga Pilipino.
Hindi natin dapat ikalungkot ang pagdating ng mga ibang simulain at layuning galing sa ibang bayan, kung maganda’t karapat-dapat ang ating napupulot. Subalit ang napupulot at tinatanggap natin ay ang hindi bagay sa atin, o ang nakasasama. Halimbawa…
Ang Pagpapayaman
Hindi masama ang pagsisikap upang magpayaman. Hindi masama ang kayamanan o kaluwagan man lamang sa buhay. Nagagamit ang salapi sa napakaraming ikabubuti ng sarili at ng kapuwa.
Nangangailangan ng salapi ang tao upang mabigyan ng sapat na kaginhawaan ang kaniyang mag-anak upang makabili ng makakain at mga kagamitan.
Sa mga bansang may pagsulong, pinagsisikapan ng mga tao na bumuti ang kanilang kalagayan, subalit natuto na sila na ito’y maaari nilang gawin hindi sa pamamagitan ng paninira at pagpapalubog sa kapuwa.
Katakut-takot ang kanilang pagsisikap ngunit naunwaan na nila na kailangang makatulong sila sa iba upang makabangon din ang iba sa kahirapan.
Sa madaling salita, nauunawaan nila na kapag hindi nakagawa ng paraan upang lahat ay magkaroon ng sapat na kaluwagan sa pamumuhay, darating ang panahon na ang lahat –mayama’t mahirap, makapangyarihan at aba’y magkakasamang babagsak.
Sa pamamagitan ng kusang-loob na pagtulong sa kapuwa, sa pamamagitan ng mga kapisanan na tumutulong sa mahihirap, sa pamamagitan ng mga batas upang maiwasan ang paghamak sa marami, nakamit ng ibang mga bansa ang pagsulong ng kalagayan ng lahat.
Dito sa atin, unti-unting nililimot natin ang pagiging matulungin sa kapuwa. Samakatuwid, dumarami ang mga nagpapayaman sa masamang paraan, na hindi iniisip ang mahirap na kalagayan ng kapuwa: walang anuman sa kanila kung ilubog man nila ang kapuwa o ang bayan basta’t umiral ang sariling kapangyarihan at madagdagan ang sariling kayamanan.
Ang ating dati nang kaugalian na nagbuhat sa ating pananampalataya at kagandahang loob ay napapalitan ng masamang ugali.
Namimihasa tayo na ang sarili lamang ang pinag-uukulan –hindi na natin pinakikinggan ang budhi, na laban sa mga naturang masamang gawain.
Tayo’y nagiging materyoso, ugaling maliwanag na hindi bukal sa ating dibdib sapagkat wala man lamang tayong salita sa sariling wika na nabibigkas sa gayong ugali.
Itinutulad natin ang pagnanais ng mga banyaga sa pagpapayaman, ngunit sa masamang paraan, sa halip na tularan din natin ang mga mabuting paraan na natuklasan na nila.
Alamin ang Tumpak na Pagpapayaman
Sinasamantala naman ng ilang may masamang hangarin ang pangyayaring ito upang pagningasin ang kalooban ng mga nagigipit laban sa lahat ng may kaluwagan sa buhay, kahit na sila ay umabot sa kanilang kalagayan sa mabuting paraan.
Kailangang maunawaan ng mayayaman o maginhawa na balang araw masisira ang kanilang mabuting kalagayan kapag hindi natin matuklasan ang mga paraan upang lahat ay umunlad.
Kailangan ding maunawaan ng nagigipit na sinisira lamang nila ang sarili kapag pinabayaan nilang umiral sa kanilang damdamin ang kainggitan at galit, sa halip na magtiyaga sa mabuting pagsisikap, ang matapat na paggawa ayon sa batas ng Maykapal at ng pamahalaan, upang makamit ang kaginhawaan.
Dapat nilang isipin na ang ikasisira ng ilan ay ikasisira ng lahat sa isang bansa, at kung mahirap ang kanilang tayo sa ganitong panahon, lalong sasama at bibigat yaon kung ang kapayapaan at katahimikan ay mawala o pawalang kabuluhan.
Para sa kapakanan ng lahat ang kapayapaan at katahimikan.
Lahat ng pagbabago’y dapat idaan sa pagpili ng mga mabuting mamuno sa pamahalaan, sa pamamagitan ng malinis na halalan, sa paggawa ng mga mabuting batas na makapagbibigay ng lunas sa mga suliranin ng bayan, at lahat ito’y nasa kamay ng mga mamamayan.
Huwag din nating limutin na bubuti ang kalagayan ng ating bayan kapag bawat isa’y magpapakabuti.
Walang maaasahang lunas na manggagaling sa paggawa ng labag sa batas, sa budhi, at sa pananampalataya. Maaaring kinakailangang baguhin ang naging patakaran ng pamahalaan, subalit yao’y karapat-dapat ganapin sa matalinong paggamit ng mga mamamayan sa kanilang karapatan sa panahon ng halalan, at sa pagpapalaganap ng mabubuting kurukuro at aral.
Isang halimbawa pa ng ating pagbabago at ng pagkagaya-gaya sa masamang hangaring banyaga: ang ating puting tabing.
Sa halip na tularan lamang ang karunungan ng mga ibang bansa sa paggawa ng pelikula at lalong pasulungin, at pagpilitang makatuklas ng higit pang karunungan tungkol sa gayong bagay; sa halip na ang ating puting tabing ay ikabuti –at panggagalingan ng kapakanan ng manonood– ang ating puting tabing ay gumagaya sa lahat ng kasagwaan, karumihan, at kasamaan na ipinalalabas sa mga pelikulang banyaga, at kung minsan humihigit pa sa roon.
Kasamaan sa halip na kabutihan, kamangmangan sa halip na karunungan, kahalayan sa halip na kalinisan, kagaspangan sa halip na kakinisan –yaon ang ating tinutularan at ang aral na napupulot ng mga nanonood sa pelikula ay ang paggawa ng masama.
Samakatuwid, sinusunod ng maraming gumagawa ng pelikula –hindi ko naman nilalahat– ang masamang hilig ng tao upang kumita lamang ng salapi. Higit pa roon, nakadaragdag pa sila sa masamang hilig at nakapagtuturo pa ng di dating alam na kasamaan.
Masasamang Hilig
Kung gagamitin ng gayong mga gumagawa ng pelikula ang kanilang talino upang gumawa ng mainam at karapat-dapat na pelikula, kikita rin sila, at baka sakali lalong malaki ang kanilang kikitain.
Kung ipinapalagay nila na ang mga Pilipino’y hindi marunong magpahalaga sa mabuti’t mataas na uring pelikula, sinisiraan nila ng puri ang bayang Pilipino. Iyan ang buong katotohanan.
Ikatlong halimbawa -humihina ang pananampalataya ng bayan.
Araw-araw ay lalong pinababayaan ang mga bagay na nauukol sa kaluluwa. Ilan ngayon ang umiiwas sa masama sapagkat laban sa aral ng pananampalataya?
Malimit na iniilagan ang kasamaan –hindi dahil sa ito’y pinakamabisang katuwiran o kaya’y sapagkat ito’y laban sa utos o kalooban ng Maykapal– kundi dahil takot mahuli o mapahiya. Kung ang palagay nila’y mapapalusot nila ang gawaing masama at maiiwasan nila ang parusa, o hindi ito mamasamain ng iba, kahit na tunay na masama ang kanilang binabalak ay ipagpapatuloy nila.
Tatlong panganib na maaaring dumurog sa ating bayan –ang masamang kaugalian at kalagayan tungkol sa kabuhayan ng tao, ang pag-iral ng kahalayan, ang paghina ng pananampalataya at mga simulain. Sa kasaysayan ng buong daigdig, wala pang bansa na hindi bumagsak sa gitna ng gayong mga panganib. Kapag hindi natin sinugpo sa madaling panahon ang mga panganib na iyan ay babagsak din tayo.