Ang Mabuting Laban, ni Manuel L. Quezon
PAUNANG SALITA NG MGA NAGSATAGALOG
Ang Pangulong Quezon ay nagpamalas ng malaking pagmamalasakit at pagmamahal sa bayang Pilipino, lalong lalo na iyong mga dukha aba, at hindi gasinong nagkapalad na makatuntong sa mataas na paaralan. Walang pagsalang ninais niyang ang mga habiling tinataglay ng kanyang talambuhay na pinamagatang “The Good Fight” ay makaabot sa puso ng bawa’t Pilipino, at kung may sapat sana siyan lakas at panahon bago siya tinawag sa sinapupunan ng Lumikha, ay iiwanan marahil niya ang mga nasabing habilin, hindi lamang sa wikang Ingles kungdi pati sa isang salitang mabilis na lumalaganap ngayon sa boong Pilipinas, upang maunawaan ng lahat niyang kababayan na kanyang minahal at pinaglingkuran ng tapat. Katunaya’y noong siya’y gayak titistisan dahil sa sakit sa bato, at nagaalaala siyang baka iyon na ang maging pinakahuling sandali ng kanyang buhay, ay nagiwan siya ng isang liham sa kanyang minamahal na asawa’t mga anak, at isa sa kanyang mga kababayan, at ang mga liham na ito’y sinulat niya, hindi sa wikang Ingles kungdi sa wikang pambansa,
Samantalang ang talambuhay na ito’y naiwanan sa isang salitang hindi lubos na nauunawaan ng malaking bahagi ng bayang Pilipino, lalo na ng mga tinatawag na hamak na mamamayan, ay ipinalagay ng mga nagsatagalog nito na isang banal at kasiyasiyang tungkulin ang magsagawa ng mahirap at maselan na pagsasalin sa aklat na “The Good Fight” sa wikang pambansa, sa kapakinabangan ng maraming angaw-angaw na mamamayang Pilipino na hindi nagkapalad na matuto ng sapat na wikang Ingles, subalit nakakabatid ng wikang pambansa, dahil sa malawak at mabilisang paglaganap ng wikang ito.
Inaasahan din ng mga nagsatagalog ng “The Good Fight” na sa pamamagitan ng kanilang maliit na ambag sa panitikang Tagalog ay makatulong sila sa pagdudulot ng kapakinpakinabang at kasiyasiyang babasahin para sa mga nagaaral ng wikang pambansa sa matataas na paaralan at sa mga pamantasan. Ang pagtuturo ng wikang pambansa ay bunga ng isang kautusang tagapagpaganap na nilagdaan ng Pangulong Quezon noong ika 30 ng Disyembre, l937, at ipinalagay niyang isang alay sa bayang Pilipino sa banal na araw ni Rizal. Isang marikit na pangyayari kung ang isa sa mga aklat na gagamitin sa pagaaral na ito ay ang talambuhay ng taong naglagay sa wikang pambansa sa kanyang tampok na katatayuan ngayon.
Nababatid ng mga nagsatagalog ang angking kahirapan nang gawaing pagsasalin ng isang aklat sa ibang salita. Sa gawaing ito’y karaniwang nawawala ang malaking bahagi ng diwa at ganda ng orihinal, kaya’t may isang nagsabing “translation is treason”(ang pagsasalin sa ibang wika ay isang pagtataksil). Ang suliraning ito’y lalong lumulubha kung isasaalangalang ang bagay na sa pagpili ng salitang gagamitin sa wikang pambansa, ay dapat piliin, hindi lamang iyong katumbas ng mga salita sa orihinal na Ingles kungki pati iyong mabilis na mauunawaan ng mga mambabasa. Dahil dito’y maraming salita na baga ma’t may katumbas na dalisay na Tagalog, ay kinailangang isalin sa mga salitang hiram sa wikang kastila o Ingles, kagaya ng “Guardia Civil,” “Ayudante de Campo,” at iba pa.
Ang “The Good Fight” ay sinulat sa tunay na larawan ng pagkatao ni Quezon – malinaw, matapat, matapang, at walang pagkukubli. Sinikap ng mga nagsatagalog na maisaling walang pagbabawas ang paglalarawang ito.
Ang mga nagsatagalog ay nagpapasalamat sa mga anak ng yumaong Pangulo na si Ginang Zeneida Quezon Buencamino at si Ginoong Manuel Quezon Jr. dahil sa kanilang kapahintulutan upang malimbag at malathala ang saling ito sa wikang pambansa.
PAUL R. VERZOSA
GREGORIO C. BORLAZA