PAUNANG SALITA NG MAY AKDA

Ang Mabuting Laban, ni Manuel L. Quezon

 

PAUNANG SALITA NG MAY AKDA

 

    Sa mga panghuling buwan ng taong 1899 ay ang sangay na sa ilalim ng pamamahal ni Heneral Arthur MacArthur, ama ni Heneral Douglas MacArthur, ay sumalakay sa pinakamalaking bahagi ng hukbong Pilipino at nilansag niya ito.  Dahil dito’y napilitan ang Presidente ng di-nagtagal na Republika ng Pilipinas, si Heneral Emilio Aguinaldo, na magtago sa kabundukan ng hilagan Luzon, at naitaboy ang aking pinuno, si Heneral Tomas Mascardo, sa mga gulod ng kanlurang Pampanga.  Buhat doon ay inilipat ni Heneral Mascardo ang kanyang kuwartel sa kagubatan ng Bataan, sa pampang ng Dagat ng Tsina, sa pagitan ng Bagac at Morong.  Isang pulong pandigma na idinaos ng mga heneral na Pilipino sa ilalim ng pangungulo ni Heneral Aguinaldo ang nagpasiya na, pagdating ng angkop na pagkakataon ang mga hukbong Pilipino ay makikipaglaban bilang gerilya.  Nang mapagkilalang hindi na maaring maisagawa ang maayos na paglaban sa Hukbong Amerikano, ay naging palad ko ang mamuno sa mga gerilyang kumilos sa pinakadulo ng tangway ng Bataan.    Ang lugal na ito, pagkalipas ng apat na pung taon, ay natatalagang maging katapusang tanggulan ng pinagsaping hukbo  ng Pilipino’t Amerikano, sa ilalim ng matapang at dalubhasang pamumuno ni Heneral Douglas MacArthur, laban sa panlulusob ng mga Hapones.

         Noong tagsibol ng taong 190l, ay iniutos sa  akin ni Heneral Mascardo na sumuko kay Tenyente Miller, ang pinuno ng  garisong Amerikano sa Mariveles, at isa sa mga  dahilan ay upang alamin kung tutoo na si Heneral Aguinaldo ay nadakip na ni Heneral Frederic Funston sa Palanan.

         Noong ika 13 ng Enero, 1936, dalawang buwan pagkatapos ng  akin pasinaya bilang kauna-unahang Presidente ng Komonwels ng Pilipina, ako’y dumalaw sa kuta ng Korehidor, na nakatayo sa  dakong labas  lamang ng dulo ng Bataan, sa anyaya ng pinunong heneral ng Kagawaran sa Pilipinas, si Major General Kilbourne, na sumama sa akin sa lakad  na ito.

         Samantalangang S.S. Arayat na nagdala sa amin  sa  Korehidor ay nakikipaglaban sa malalakas na hangin at malalaking alon upang dumaong sa pier ay narining ko  ang mga putok ng pagpupugay nauuko sa aking katungkulan.  Ang tagpong aking namamalas  ay biglang  nagbalik  sa akin sa mga panahong lumipas.  Ang pagkakaiba ng mga alaala ng nakaraan at ng katunayan ng kasalukuyan ay nagdulot sa  aking puso ng isang di-mapaglabanang damdamin. Tatlumpu’t limang taon bago noon, ako’y lumapag sa gilid ng bundok ng Mariveles na isang sundalong talunan, payat dahil sa gutom at  sakit, upang isuko ang aking sarili sa kapangyarihan ng Hukbong Amerikan.  Tatlumpu’t limang taon pagkatapos nito ay naroo’t nakatayo sa pier ng Korehidor, nakaharap sa bundok na iyong nasanghaya, ang Heneral na Amerikanong pinuno ng tanggulan, kasama ang isang rehimentong Amerikanong naka tinding nang matuwid, at  naghihintay upang gawaran akon ng parangal na pangalawa  lamang sa parangal ni iginagawad sa Presidente ng Estados Unidos. Anong pagkakaiba! Anong di malirip na kasaysayan ng nagtagumpay na nangatalo! Sa maikling sakop ng isang saling lahi, ay ipinahintulot ng Amerika, ang bansang nakalupig, sa pamamagitan ng isang palakad na  walang kaparis sa kasaysayn ng pananakop, na akong isa sa mga talunan ay mapataas  buhat sa kababaang baytang hanggang sa  kataas-taasang luklukan ng kapangyarihang maaring ipagkalood ng aking bayan!

         Ang aking naging kasaysayan ay isang maliwanang na halimbawa ng dakila’t makataong pagsubok na buong tagumpayna naisagawa ng  Estados Unidos sa pakikisama  sa bansang Pilipino.

         Dapat bang ipagtaka na nang ang bandilang Amerikano ay salakaying ng Hapon, ang bansang  Pilipino’y nanindigan sa piling ng Estados Unidos hanggang sa mapait na wakas?

         Ang mga sumusunod na  dahon na naglalarawan ng aking buhay bilang isang manghihimagsik laban sa, at isang tagatangkilik ng, Estados Unidos, ay mahigit kaysa isang kasaysayan ng  aking karanasan.  Sila’y naglalarawan  ng pagpupunyagi ng bayang Pilipino sa kanilang pagtuklas ng kalayaan, sa una’y  laban, at pagkatapos ay sa pagtangkilik sa dakilang republika ng  Hilagang Amerika.

         Ang aking mga layunin sa pagsulat ng aklat na ito ay: una, upang laging buhayin sa alaala  ng bansang Amerika ang paglilingkod na nagawa ng Hukbong Pilipino sa  makabayaning pagkapagtanggol sa Bataan at Korehidor; ikalawa,  upang ilantad ng buong liwanag ang bunga ng pamamalakad ng Amerika sa Pilipinas-ang kusang loob na pagaalay ng bayang Pilipino ng kanilang  buhay at kayamanan sa pakikipaghamok sa piling ng Estados Unidos laban sa  kapwa  nila  kaaway; at ikatlo, upang ihandog ng pahambing ang isang huwarang maaring sundin sakaling ang katubusan ng  angaw-angaw na taong  alipin ay tatangkaing isagawa.

M. L. Q.