PAGPAPAKILALA

Ang Mabuting Laban, ni Manuel L. Quezon

 

PAGPAPAKILALA

(NOTA: Ang sumusunod na pagpapakilala ay ginawa ni Heneral MacArthur noong 1942 at ipinadala kay Presidente Quezon sa Washington.  Si Presidente Quezon ay namatay noong Agosto 1, l944)

 

         Isang karangalan para sa akin ang tumupad sa kahilingan ng may-akda ng aklat na ito na sulatin ko ang pagpapakilala. Ang ikinalulungkot ko lamang ay kailangang isagawa ko ito samantalang, dahilan sa kampanya militar, ay hindi ko ito mapag-ukulan ng sapat na panahong karapatdapat para sa kanya.  Sapagka’t ang aklat ni Presidente Quezon na malapit nang malathala, ay isang di mahahalagahang ambag sa pagpupunyagi sa pakikidigma ng kanyang bayan at gayon din ng Estados Unidos.  Taglay nito ang isang pahatid ng isang bansang mapagmahal sa kalayaan na inihahagis doon sa mga nagtatangkang yumurak sa pinakamahalagang pamana sa tao, ang Kalayaan.

         Si Manuel L. Quezon ay pangulo ng komonwels sa Pilipinas.  Makalawa siyang nailuklok sa mataas na tungkuling ito sa pamamagitan ng matahimik na paghalal  ng bayang Pilipino. Subali’t pag siya’y nagsasalita, ay kaniya itong ginagawa, hindi bilang isa lamang opisyal na kinatawan ng kanyang bayan.  Nagsasalita siya bilang kinikilalang lider ng isang lahi na nagtaas sa  kanya sa kapangyarihan sa loob ng nagdaang dalawanpung taon. Dahil dito’y sa pagsulat niya ng tungkol sa mga masisiglang araw ng pagkasakop ng Amerika sa Pilipinas, sa hitik na bunga ng walang katulad na patakaran ng Amerika sa pananakop, at sa pagdiin niya sa utang na loob ng kanyang bansa dahilan sa nagawa ng Amerika sa Pilipinas, ay para siyang gumagamit ng pinakamakamandag na sandata laban sa kaaway-isinasalaysay niya sa kasaysayan ng isang bansang pinakalooban ng Amerika ng panibagong pagsilang ng kalayaan sa isang pamamaraang walang kaparis sa kasaysayan ng pananakop.

         Buhat sa mga anin sa Korehidor, sa isang pahayag sa bayang Pilipino, ay sinabi niya: “Ang mataos na hangarin ng bayang Pilipino na magpatuloy sa pakikilaban sa piling ng Estados Unidos hanggang makamtan ang tagumpay ay hindi napanghina sa kahit ano mang paraan ng pangsamantalang pagkadaig sa ating sandata.  Tayo’y nananalig na sa katapusa’y ang ating pagsusumakit ay puputungan ng tagumpay, at sa paniniwalang ito’y magpapatuloy tayong lumaban sa ating kaaway ng buo nating lakas.”  Sapol sa mula ay ipinangako niya ang lubusang pagkamatapat sa Amerika.  Sa ganang kanya ay walang kalahatiang  hakbang, walang duwag na pakikipagtagpo sa gitna ng dalawang  patakaran tungkol sa kapalaran ng  bayan.

         Hindi lamang iisang manunulat na Amerikano ang nagpalagay na  siya  ay isa sa pinakadakilang nabuhay na dalubhasang pulitiko.   Sa  kalawakan ng kanyang tanawin na hindi halos malirip  ng  kanyang kapwa-tao, ay kanyang nilikha sa kaunaunahang araw ng  kanyang panunungkulan sa pagka Presidente ang pambansang palatuntunan sa pagtatanggol ng Pilipinas.  Naipakilala na  sa labanan ng hukbong naging bunga ng kanyang paghahanda sa darating ang katalinuhang lumikha nito at ang hukbong ito’y nakagawa na ng  walang kamatayang pagkatanyag.  Ang kanyang pasiyang ipagpatuloy ang pakikilaban ay kasamahan ng una niyang  pangitain.  Ito’y bumubukal sa iisang balon ng subok na katalinuhan at iisa rin ang magiging bunga. Ang kanyang buhay ay nakakasakop sa pinaka maluwalhating kalahating dantaon ng kasaysayan ng Pilipinas.  Ang kanyang talambuhay ay kasaysayan,  hindi lamang ng panahong iyon kundi ng Pilipinas bilang isang bansa makabago.  Siya’y nakihamok sa napakaraming labanan at nagtagumpay sa lahat ng ito. At kaypala’y maari niyang sabihin, tulad ng isa sa tauhan sa tula ni Browning:

         “Sapol akong mandirigma, kayat-isa pang labanan, Pinakamainam at pangwakas.”

         Ngayon, siya’y nakikilaban sa unahan ng kanyang bayan at sa piling ng Amerika, sa  pinakamalaking labanan sa  lahat – isang labanang hahatol marahil  sa nasasakupan n maraming dantaon, sa kapalaran ng kanyang bansa.  Hindi maaring hindi iya pagpapalain ng Diyos sa ganyang banal na simulain.

 

                           Douglas MacArthur

Hunyo 18, 1942

Melbourne, Australia