Ang Mabuting Laban, ni Manuel L. Quezon
KABANATANG I
KAPANGANAKAN AT PAGKABATA
Sa mga labi ng aking ina ay napag-alaman ko na ako’y ipinanganak sa Baler, noong Agosto 19, 1878, sa ika pito ng umaga. Sapagka’t walang Pilipinong naninirahan noon sa Baler na may relos – silang lahat ay napakadukha upang bumili ng kahit na pinakamurang uri – ay itinanong ko sa kanya kung bakit niya nalaman na ika pito ng umaga. “Tinutugtog noon ang kaunaunahang tunog ng mga kampana,” ang tugon niya. Ang ika 19 ng Agosto ay pista ng bayan sa Baler – ang kapistahan ng santong patron, at ito’y pistang dakila ng pamahalaan at ng simbahan. Sa panahon ng mga kastila ay may misa mayor sa ika walo ng umaga at maikatlo nilang tinutugtog ang mga kampana – una’y sa ika pito, ikalawa’y sa ika pito’t kalahati, at ikatlo ay ika walo, sa oras nang pagtungo ng pare sa altar, buhat sakristiya.
Idinagdag pa ng aking ina, na isang masugid na katoliko: “Anak ko, walang nangyayari sa daigdig na ito na nagkakataon lamang. Ang lahat ay tumutugon sa isang banal na layunin. Ako’y naniniwala na ang kapanganakan mo sa kaarawan ng ating patron ay nagpapakilala ng kalooban ng diyos na taluntunin mo ang pagpapare.”
Sa kabilang dako ang ama ko na naging sarhento sa isang pangka’t ng Hukbong Kastila ay mapilit na ako’y magsundalo. Noong ako’y bata pa ay ako’y dinadamitan niya ng kasuutan ng isang kabo ng Guardia Civil.
Ngayon, bayaan ninyong ako’y bumanggit ng ilang bagay hinggil sa pista ng bayan sa Pilipinas, o kapistahan ng santong patron.
Hanggang noong Disyembre, 1941 ay ito ang pinakamalaking araw sa bawa’t bayan sa Pilipinas. Ang mga lansangan ay napapalamutian ng magagandang sala-salang balantok na kawayan na nahihiyasan ng mga palaspas at dahon ng anahaw. Ang mga banda ng musiko na ipinagmamalaki ng bawa’t bayan sa Pilipinas ay walang tigil na tumutugtog sa boong maghapon at hanggang sa malalim na ang gabi. Ang langit kung gabi ay nagliliwanag dahil sa mga loses at paputok. Ganito ang pinagmulan nito. Gaya ng lubos na nababatid ay isinagawa ang pagsakop sa Pilipinas sa ikauunlad ng Haring Kastila at upang gawing binyagan ang mga mamamayan sa pananampalatayang katoliko. Kasama ni Legaspi, na sumakop sa Pilipinas, ang prayleng Agustino na si Padre Urdaneta, ang misyonero. Habang lumalaganap ang pananakop, pagkakakuha ng mga kastila sa isang bayan ay inihahain ito ng mga prayle sa isang Santong patron. Ang patron ng Baler ay si San Luis, Obispo sa Tolosa, kaya’t ang panggitna kong pangalan ay Luis, na ibinigay sa akin ng aking ina.
Ang ugali sa Pilipinas ay sa araw bago sumapit ang pista’y ang lahat ay umuuwi sa bayan, kahit na ang pinakadukha at ang tumitira sa pinakamalayong nayon. Samantalang walang hotel ang lahat ng dumadating upang magdiwang ay nanunuluyan sa bahay ng isang kamag-anak, o ng isang kaibigan, o ng may-ari ng lupang kanilang nililinang. Bawa’t bahay ay tigib ng panauhin na ginagawa nila ang lalong mabuting paraang magagawa upang magkasiya. Ang tahanan ng mga maykaya ay bukas sa panauhin sa boong maghapon at bawa’t hapag ay tigib sa pagkain. Walang panauhin ang maaring umalis sa isang tahanan hanggang hindi nakakakain at nakakainom, sa gutom siya’t sa hindi.
Subali’t ang pinaka mahalagang bahagi ng pista ay ang misa mayor sa karangalan ng patron, na dinadaluhan ng maraming taong nagbubuhat sa kung saan-saang dako. Ang lahat ay nakasoot ng pinakamarikit nilang damit at maraming dukha ang umuubos ng kanilang inipon o kahit na magkautang-utang, upa lamang sila at ang kanilang mga anak, ay makapagdiwang
Nangingilak ng ambagan para sa gugulin sa mga libangang pangmadla, habang idinadaos ang pista na kung minsan ay tumatagal ng tatlong araw. Sabihin pa, mayroong sabong – ang pambansang larong sapalaran – kung pista. Ang sabong ay nagsisimula pagkatapos ng misa at tumatagal hanggang malalim na ang hapon. Pagkatapos ay nagsisimula na ang mga libangang pangmadla kung minsan ay sa “juego de anillo” o pagtudla sa mga sinsing na yari sa laso na may masasayang kulay. Bawa’t singsing ay kaloob ng isang magandang dalaga sa nayon at bawa’t binata ay nagsusumikap na makuha ang singsing ng kanyang pinipintuho upang magamit niya ang laso nito sa araw na iyon.
Sa gabi ay mayroon silang moro-moro o kung minsan ay komedyang kastila sang-ayon sa nakakayanan ng taong bayan na sumita lamang ng mga komedyante sa sariling bayan o di kaya’t dumayo sa Maynila. Ang moro-moro ay isang dula sa sariling wika at ang mga magkakalaban sa isang dako ay isang Prinsipeng Kristiyano, kasama ang kanyang abay at hukbo, at sa kabila naman ay isang maharlikang moro na kasama rin ang kanyang mga alagad at hukbo. Ang kasaysayan ay kuha sa panitikang Kastila noong bago sulatin ni Cervantes ang Don Quixote – na lumipol sa nauunang uri ng nobela. Ang mga tauhan ay nakadamit ng kasuotan noong unang panahon na maraming ginintuang palamuti at plumahe. Sa maapoy na labanan sa eskrima at tudlaan ng sibat na nagsisimula sa kanilang pagtatagpo ay ang prinsipeng Kristiyano, sabihin pa, ang nagtatagumpay; kung minsan ay nagiisa siyang pumapatay sa pulutong ng mga Moro.
Sa taong ito ng Ating Panginoon, 1878, ay ipinagdiwang ng ama ko ang dalawang pangyayari –ang kapanganakan ng panganay niyang anak na lalaki at ang pista ng bayan sa Baler, hindi sa matino, kungdi sa labis na paraan. Sa karamihan ng kanyang nainom noong nag-aapoy na inumin na kung tawagin ng mga Amerikano sa Pilipinas ay Bino, bago sumapit ang gabi’y nawalan na siya ng hilig sa mga pangyayari. Ang kalungkot-lungkot na pagkakalihis na ito sa matuwid at makipot na landas ay ikinalungkot nang labis ng aking ina sapagka’t noong panahong iyon ang malasing ay ipinalalagay sa aking bayan na isang kahihiyan. Dito nagmula ang aking pagkamuhi pag ako’y nakakakita ng isang taong lasing bagama’t ako’y matuwaing uminom ng isa o dalawang “cocktail” (1) bago kumain at isang botelyang mabuting uri ng alak o serbesa habang ako’y kumakain.
Nang ako’y unang makatanaw ng liwanag ang Baler ay isa lamang maliit at halos hindi mapuntahang nayon. Ito ay na sa wawa ng ilog ng Aguang sa dagat ng Baler, ilang milya sa dakong hilaga ng tangos ng Encanto, na nakadungaw sa malawak na karagatan ng Pasipiko. Ang maliit na bote ng bapor ay hindi nakatatawid sa harang ng ilog liban na lamang kung malaki ang tubig.
Apat na pu’t limang milya sa dakong hilaga ay naroon ang bayan ng Kasiguran na naaabot lamang buhat sa dagat. Sa dakong timog namin ay ang pinakamalapit na bayan ng Infanta, isang nayon na hindi rin nararating kungdi buhat sa dagat, at bihirang marating pag masama ang panahon. Sa gawing likuran ng aplaya ay nakalatag ang mga dimabagtas na kabundukan na ang tayog ay buhat sa tatlo hanggang anim na libong talampakan, na nakakalatan ng madalang na naninirahang mga mamamatay-taong Ilongot, pinakamabangis sa mga kampon ng di-binyagan. Buhat sa Baler, sa pamaybay ng ilog at sa malayong paglalakbay tungo sa Maynila, ay walang daan noong mga panahong iyon kundi ang lalong masama at mapanganib na landas, patungo sa pinakamalapit na tirahan ng tao, na naglalagos sa may mga tatlumpung milyang kagubatan na aho’t lusong sa mga bangin. Ang landas na ito ay malimit na bumabagtas sa parang kristal na tubig na kinakukunan ng pinakamainamna isdang tabang sa buong daigdig. Sa wakas, sa pamamagitan ng daang gubat na ito ay nasasapit ang hangganang bayan ng Pantabangan. Ang paglalakbay noon panahong iyon ay ginagawa na kungdi man lakad ay sakay sa isang mabalasik na munting kabayo.
Ang Baler noon ay isang kawili-wiling paraiso sa lupa; ang mga tao ay namumuhay sa kanilang maliit na tubigan; sagana ang isda sa mga ilog at karagatan; at may usang nahuhuli sa pamamagitan ng busog at pana sa kabundukan.
Ang Baler ay nabantog noong mga katapusang araw ng pamahalaang Kastila dahilan sa makabayaning pagkakulong sa bayan, nang ang isang maliit na garison ng mga Kastila ay manindigan hanggang sa ang kapayapaan ay malaon ng naipahayag sa Amerika Espanya.
Ang aking ama ay Tagalog, na ipinanganak sa libis ng Pako sa Maynila. Noong kabataan niya siya’y natawag na maglingkod sa impanteriya na itinalaga ng mga Kastila rito sa Pilipinas, at binubuong payak ng mga sundalong Pilipino, at pinamumunuan ng halos lahat ay mga kastila. Nang matapos ang kanyang pangkaraniwang panunungkulan siya’y nag pahinga na isang Sarhento. Dahil sa kanyang pagkamahiligin sa pakikipagsapalaran ay napatungo siya sa malayong Baler. Doon niya natagpuan ang aking ina, isang mestisang Kastila, ang diwata ng bayan, at guro ng mga babae. (Ang paglalahok ng babai’t lalaki sa paaralan ay ipinagbabawal noon.) Sapagka’t ang aking ama ay pagdaka’y napalagay na guro ng mga lalaki ay nagbuo sila ng isang pagkakaibigang naghatid sa kanila sa dambana at nagbuklod sa kanila habang buhay. Bawa’t isa sa kanila ay tumanggap ng sahod na labindalawang piso ($6.00) isang buwan, isang halagang sa Baler ay malaki nang kita noong panahong iyon. Mayroon din silang isang palayan na may isang ektarya na pinagaanihan nila ng sapat sa pangangailangan sa kanilang tahanan, at ang labis nilang kainin ay ipinapalit nila sa isda, tapang usa, at karneng baboy na, kasama ng aming manukan, ay nakapagdulot sa amin ng saganang pagkain.
Sa isang pook na dukha at sinaunang katulad ng Baler kami ay ipinalagay na pangunahing angkan. Ang amin lamang angkan ang tanging marunong ng wikang Kastila at nakakapakipag-usap sa pamamamagitan ng kanilang wika sa tatlong Kastilang mya katungkulan sa bayan – ang gobernador militar ng purok na isang kapitan sa hukbo,ang pare na isang prayleng Pransiskano, at ang kabo ng Guardia Civil na ang lakas ay pinakamarami na ang anim katao. Ang dahilan ng pagkakaroon ng destakamentong ito sa aking bayan – hindi lahat ng bayan ay mayroon nito – ay upang pangalagaan ito sa mga Ilongot na noon ay mamamatay tao at maminsan-minsa, buhat sa kanilang pangungubli, kanilang hinaharang ang mga naglalakbay sa pagitan
Ng Baler at Pantabangan, pinuputol ang ulo ng mga ito, at iniuuwi sa kanila. Ang Kahalagahan ng isang Ilongot sa mata ng kanyang mga kapwa ay nababatay sa dami ng kanyang naiipong bungo, kasama ang bungo ng kanyang mga kapwa Ilongot na taga ibang pook, sapagka’t silay walang pasintabi sa pamumugot ng ulo. Kailanma’t ang mga Ilongot ay sumasalakay sa mga Pilipinong binyagan, ang mga Guardia Civil, kasama ang mga taong bayang mga sandatahan ng sibat at palaso, ay umaakyat sa kabundukan at pinarurusahan ng mabigat ang mga mababangi na taong bundok.
Napakarami rin ang harangan at looban noong panahon ng kastila at tungkulin ng Guardia Civil ang hulihin ang mga bandido. Datapwa’t bagama’t ang bayan ng Bongabong at Pantabangan sa gawing kanluran ng Baler at ang Infanta sa gawing timog ay manakanakang pinapasok ng mga bandido, ay hindi sila nangangahas sumalakay sa Baler sapagka’t nalalaman nila na naging ugali sa aming pook buhat pa noong panahong una, noong namamasok ang mga Moro sa mga bayang baybay-dagat, ang mag-ipun-ipon ang mga lalaki sa liwasang bayan, na taglay ang itak at sibat, busog at pana, at ilaban sa mga tulisang dagat ang kanilang makalumang sandata. Sila ay nagdadamayan din kung may sunog o iba pang pangmadlang sakunagaya ng baha o bagyo. Ang damdamin sa kagalingang panlahat ay napakalakas kaya’t ang mga lalaki’y nagtititipon sa bahay pamahalaan tuwin linggo pagka-katapos ng misa upang pagpulungan ang mga bagay na mahalaga para sa lahat, at ang lahat ng kapasiyang pinagtitibay ng nakararami ay nagiging sapilitan para sa lahat, pati na sa alkalde at iba pang mga punungbayan. Ang alkalde ang siyang nangungulo sa mga pulong na ito at ang ibang mga puno ay dumadalo.
Tinuruan ako ng aking ina ng pagbasa’t pagsulat sa wikang Kastila, ng apat na saligang tuntunin sa kuwenta, at ng katesismo.
Noong ako’y may limang taong gulang ako’y nagalit sa isang batang kasinggulang at kasinglaki ko, at siya’t aking sinampal. Nakita ako ng aking ama kaya’t ako’y pinalapit sa kanya. “Huwag kang mananampal sa mukha ng kahit sino,” ang wika niya. “Kung kinakailangang hatawin mo ang isang tao ay gamitin mo ang suntok. Ang sampal sa mukha ay labis sa isang parusa. Yaon ay isang paghamak.”
Sumund na taon ay may nagawa akong hindi naibigan ng aking ama. Sa halip na ako’y kanyang litisin kaagad ay binayaan niya hanggang kinabukasan; kaya’t hindi ko alam na nahuli niya ako. “may nagawa ka ba kahapon na ibinabawal ko sa iyo? ang tanong niya. “Wala po.” Sinampal niya ako. “natatandaan mo ba ang sinabi ko sa iyo tungkol sa pananampal ng isang tao? “Opo,” ang wika ko. “Ang isang sinungaling ay hindi karapat-dapat igalang at maaring hamakin.” “Sa tuwi-tuwina’y magsasabi ka ng katotohanan kahit anong kahintuan,” ang idinagdag pa niya.
Magbuhat noon ay hindi ako nakakapaglingid ng aking damdamin o ng nasa aking kalooban, sa kaibigan man o katunggali. Narinig ko o nabasa na sa pulitika ay hindi maaring maging totoong lantad sa pagsasalita ang isang tao nang hindi lalagpak malao’t madali. Ang aking sariling karanasan ay hindi naaayon sa palagay na ito. Kailan man ay hindi pa ako natatalo sa alin man sa napakaraming tunggalian sa pulitika na aking naranasan.
Sa aking palagay ang mga tao ay lalong nagiging mapagpaumanhin sa kahinaanat pagkakamali ng mga may katungkulan kung tahasan nilang tinatanggap ito. Maaring maging pagyayabang subalit isang katotohanan, na iilang taong nagsipanungkulan ang napagukulang ng tiwala ng kanilang mga kapanalig sa loob ng kasinghaba at walang pagitang panahon na gaya ko. Simula noong 1905 ako’y laging humahawak ng halal na tungkulin na walang lagot at laging papataas, bagamat ako’y pinaratangan ng aking mga kalaban ng lahat ng uri ng kasalanan sa pagkakamali o pagkukulang.
Noong ako’y may pitong taong gulang, ipinisan ako ng aking mga magulang sa pareng Kastila sa Baler na pumayag na turuan ako ng relihiyon, heyograpiya, kasaysayan, at latin. Si Padre Teodoro Fernandez ay makasanto, subalit mabagsik na tao. Natatandaan ko pa ang kanyang pagpingol sa aking mga tainga pag hindi ako nakakapagsanay sa aralin o kung ako’y may nagagawang kapilyuhan.
Pagkatapos na ako’y makapisan ni Padre Fernandez sa loob ng mahigit na isang taon ay dumating si Padre Angulo ng Palanan, na kinadakpan ni Kapitan Funston kay Aguinaldo noong 1901, upang dumalaw sa kanyang kapwa Pransiskano sa Baler, at tumigil dito sa loob ng ilang linggo. Isang umaga pagkakanta ng misa ay inanyayahan ako ni Padre Angulo na sumama sa kanya sa tabing-dagat sa silangang baybayin ng Luzon. Ang mga along buhat sa malawak na Pasipiko ay malalaki, gaya ng palagiang kalagayan nito tuwing taghabagat; kung minsan ito’y halos gangga-bundok, at ang agos sa ilalim ay napakabilis. Dalawang binata na kapwa sanay maglangoy ang sumama sa amin upang maligo. Ang isa ay pinsan kong buo at ang ikalawa ay aking kamag-anak din. Kami ng pari ay nasalpok ng napakalaking alon at natangay ng agos patungo sa kalawakan. Ako ang naunang sinagip ng aking mga kasama dahil sa ako ang lalong mahina, at sa kabila ng malaking paghihirap ay nailigtas nila ako. Pagkatapos ay binalikan nila ang pare, ngunit hindi nila siya nakuha. Dumating ang tulong buhat sa bayan ngunit wala ring nangyari. Nang ika lima ng hapon ang bangkay ay dinala ng agos sa dalampasigan. Ito ang kaunaunahan kong malapitang pakikipagtagpo sa kamatayan, pakikipagtagpong hindi miminsang naulit sa dakong huli ng aking buhay.
Dalawang taon pagkatapos nito, nang si Padre Fenandez ay mapalipat sa kanilang punong gusali sa Maynila ay hiniling ng aking mga magulang na ako’y isama niya bilang utusan upang ako’y makapag-aral sa kolehiyo ng San Juan de Letran. Ako’y tumira sa kumbento ng mga Pransiskano sa loob ng isang taon, hanggang sa si Padre Fernandez ay mapabalik na muli sa lalawigan. Inilipat ako ng aking ama sa tahanan ng isang pinsan niya sa Maynila na asawa ng isang opisyal sa Hukbong Kastila, at dito ako’y nagbayad buwan-buwan ng labindalawang piso sa pagtira at pagkain. Hindi ako naging maligaya sa bahay na ito. Una, ito ay kalahating oras lakarin hanggang sa aking paaralan sa Intramuros – ang makasaysayang lunsod na nalilibot ng pader – at maka-apat akong nagyayao’t dito araw araw. Ikalawa ay naging malupit sa akin, gayon din sa kanyang mga anak, ang aking Tiyo. Kaya’t nang ako’y magsimula ng ikalawa kong taon sa paaralan ay hiniling ko sa aking ama na ako’y alisin doon. Pagkatapos na pag-usapan ng mga minamahal kong magulang ang bagay na ito, ay tinawag nila ako at sinabi, “Naipasiya namin na ikaw ay ipasok na interno sa San Juan de Letran. Ang magugugulo sa iyong pagtira doon, pati na sa iyong matrikula at iba pang gastos, ay mahigit kaysa sinasahod naming dalawa, subalit mayroon kaming kaunting inipon at ito, kung mapasama sa kaunting maipagbibiling ani sa ating bukid, ay magkakasiya na upang maitaguyod ka hanggang sa makamtan mo ang titulong
Batsilyer en Artes. Pagkatapos nito, kung nais mong mag-aral ng pagkaabogado o mediko o ng pagpapare (mga tanging kursong itinuturo noon liban sa parmasya)ay kailangang humanap ka ng paraan upang maitaguyod mo ang iyong sarili at makita mo ang kaukulang-gugol sa iyong pagaaral.”
Ako’y naging interno sa Kolehiyo ng San Juan de Letran. Hindi natagalan at ako’y laging napapalaban ng panuntukan at namiminuno sa mga sabuwatan sa pagsuay sa mga tuntunin ng paaralan. Sapagka’t noon ay pamalo ang ipinalalagay na tanging paraan upang mapamalagi ang kaayusan at ang disiplina ay halos araw araw ako’y tumatanggap ng lunas na ito. Gayun man ang aking mga guro ay naging maluag sa akin sapagka’t lagi kong inaamin ang aking kasalanan.
Limang taon ang aking kinailangan upang makatapos ng Batsilyer en Artes Summa Cum Laude(1). Sa mga ganitong pagkakataon ay laging dumadalo ang Gobernador Heneral at siyang nangungulo sa palatuntunan sa pagtatapos at nakamtan ko ang napakalaking karangalang matawag upang makipagkamay sa kanya. Ako’y nasilaw sa karangalang di ko inaasahan.
Bagama’t ang paglalakbay tungo sa Baler ay may kahirapan lagi kong mithi ang dumalaw sa aming tahanan kung panahon ng bakasyon. Ang paglalakbay ay tumatagal ng isang linggo at sa isang bahagi ay nakakapag-kalesa samantalang ang natitira ay kailangang lakarin o isakay sa kabayo. Bukod sa nakapapagal, ang paglalakbay ay mapanganib sapagka’t sa landas na naglalagos sa kabundukan ay maaring harangin ang naglalakbay ng mga mamamatay-taong Ilongot, liban na lamang kung silay maraming magkakasama’t may taglay na sibat, pana, o itak, o kaya’t kung mayroong may taglay na baril. Kung magkakaganito, kahit na iilan ang magkakasama’y hindi nangangahas sumalakayang mga Ilongot sapagka’t malaki ang kanilang takot sa tinatawag nilang makahayop na kagamitang ito. Sapagka’t ang aking ama ang tanging lalaking may baril sa Baler ay lagi niya akong kinakaon sa Maynila pagsasapit na ang bakasyon. Ang pagdalaw sa aking bayan ay nagiging kadluan ng napakalaking kasayahan para sa akin. Malabis kong ikinagagalak na makasama ko ang mga kasimbata kong hindi marunong bumasa’t sumula, gaya rin noon bago ako tumungo sa Maynila. Naglalaro kami ng mga katutubong laro gaya ng sipa at palabasan. Hindi pa namin alam noon ang baseball.
Noong dalawang taon bago ako magtapos ay hindi ako pinauwi ng aking ama dahilan sa hindi niya ako makaon sa Maynila. Siya’y totoong maraming gawain sapagka’t ang kanyang inipon ay umuunti ng umuunti samantalang ang aking gugol ay lumalaki. Pinaraan ko ang bakasyon sa tahanan ng aking mga kaibigan na naganyaya sa akin. Pagkatapos ng aking pagtatapos ay ipinakaon ako ni papa sa ama ng sa darating na panahon ay magiging asawa ko, kay Tiyo Pedro, at nang ako’y dumating sa amin ay naratnan ko ang aking inang malubha na sa sakit na pagkatuyo. Ang nakia kong ito’y nagwasak sa aking puso.
Pagkamayamaya’y tinawag ako ng aking ama at sinabi sa aking nagugol na nila ang lahat para sa aking pag-aaral at nakapanutang pa sila. Inulit niya ang dati niyang babala: “Kung nais mong mag-aral sa pamantasan (unibersidad) ay kinakailangang humanap ka na paraan upang maitaguyod mo ang iyong sarili.”
Kinabukasan ay isinama ako ng aking ama upang ipakilala sa pari. Hindi ko siya kilala. Nadatnan namin siya nakaupo sa isa sa mga maginhawang upuang tuklas ng mga prayle,(1) at ang kanang paa ay nakadantay sa isa sa mahahabang kamay ng upuan. Nang kami’y pumasok sa maluwang na bulwagan ay hindi binago ng pare ang kanyang pagkaupo. Bagama’t malimit akong makakita ng ganito noong ako’y maliit pa, sa pagkakataong ito’y nakaramdam ako sa aking kalooban ng pagkamuhi. Kinaugalian noon ang humalik ang mga Pilipino sa kamay ng pari, bilang tanda ng paggalang. Hinagkan ng aking ama ang kamay na iniabot sa kanya ng pari. Nang dumating ang aking pagkakataon ay hinawakan ko na lamang ang kamay at kinamayan ko siya.
Hindi nag-atubili ang prayle sa pagpapakilala ng kanyang poot sa pamamagitan ng pagwawalang bahala sa akin. Wala pang limang sandali ang itinigil namin doon. Walang ano mang puna ang aking ama sa nangyari. Napag-alaman ko na ang sabi ng pare ay nakasama ang aking pag-aaral sa Maynila at kung siya ang aking ama ay patitigilin niya ako sa Baler at pagkatapos paluin ay papagsasakahin.
Pagkagaling sa pari ay isinama ako ng aking ama upang magbigay-galang sa komandante Pulitiko Militar – ang governador militar sa purok na iyon – at tuloy sa kabong pinuno ng Guardia Civil. Ipinagtatapat kon ang pagkatanggap sa amin ng mga pinunong kastilang ito, gaya ng sa pare, ay hindi naiiba kaysa paraan ng pagtanggap ng mga kinatawan ng kapangyarihang kastila sa Baler sa aking ama noong ako’y bata pang munti. Subalit ngayon ay iba na ang aking pagkatingin sa mga bagay-bagay. Napagkilala ko na ang mga Pilipino’y ipinalalagay na mababa ang uri at ang aking pagmamalaki sa aking lahi ay nasaktan. Sa kolehiyo ay may mag-aaral na kastila na hindi lamang matatamad kundi tunay na mapupurol, at maraming Pilipinong nakahihigit sa kanila sa pag-uugali at sa talino. Sa kapasiyahan ng aking sarili ay isinumpa kong baguhin ang kaaba-abang kalagayang iyan.
Sa mga sumunod na linggo ay ginugol ko ang malaking bahagi ng aking panahon sa pag-aalaga sa aking ina, hanggang isang araw, nang nagdadapit hapon, ay ipinakaon niya sa akin ang pare sapagka’t siya’y mamamatay na. Madali akong pumunta sa kumbento, ipinahayag sa pare ang kahilingan ng aking ina at patakbong bumalik sa kanyang piling. Sumunod sa akin ang pare, iginawad sa kanya ang katapusang sangkap, at pagkamayamaya’y namatay siya sa aking mga bisig. Samantala’y ipinakaon ko ang aking ama na noon ay kasama ng dalawa kong kapatid na lalaki sa bukid. Angama ko’y lubusang nasira ang loobat pagkatapos ng libing siya’y nagkasakit nang malubha. May ilang buwan halos sira ang kanyang bait. Ito’y nakapigil sa aking pagbalik sa Maynila upang simulan ang pag-aaral ng pagkamanananggol.
Habang na sa Baler ay naragdagan nang naragdagan ang aking nalalaman tungkol sa pagmamalabis ng tatlong pinunong kastila, kasama ang pare, na noon ay ipinalalagay ring puno, sa kanilang pagpapasunod sa mga tao. Ang kabo ng Guardia Civil ay pinakamasama sa kanila. Siya’y walang pinagibhan sa hayop, isang ganid sa kamunduhan at sa kalupitan. Siya’y nanliligaw sa mga dalaga at pinipilit ang mga kamag-anak nito sa pamamagitan ng pananakot, na isulit sa kanya ang mga walang malay na ito. Pag siya’y nabibigo, gaya ng lagi niyang pagkabigo maliban sa minsang pangyayari, ay tinutupad niya ang kanyang bala sa pamamagitan ng pagdakip sa taong hindi tumulong sa kanya at paguutos na siya’y bugbugin hanggag sa halos mamatay. Nabatid ko noong kasuklam-suklam ang ilan sa mga kastila sa Pilipinas, at nagsimula ang aking pagkabatid ng dahilan ng pagkakaroon ng “katipunan.”
Sa aking pagkamangha ay nilisan ng kabong ito ng Guardia Civil na nagngangalang Pio Enriquez ang kanyang kinaugaliang kilos upang ako’y kaibiganin. Dinadalaw niya ako at inaanyayahan sa kanyang tirahan, na siya ring himpilan ng maliit na destakamento. Isang gabi ay pinilit niya akong maghapunan muna, at samantalang kami’y umiinom ng kape ay ipinakalihim-lihim niya sa akin na naiibigan niya ang isa kong pinsan. Pagkatapos ay nagparamdam upang hikayatin ang aking pinsan na pumayag sa kanyang mga pakiusap. Sapagka’t kilala ko ang taong yaon ay alam ko ang ibig niyang sabihin. Ang unang pumasok sa aking isipan ay gamitin ang balaraw sa aking baywang na nakukubli sa aking amerikana, upang siya’y patayin. Ang makamamatay na sandatang ito ay sinumulan ko nang dalhin-dalhin sa sandaling maalaman ko ang kahayupan ng taong ito. Subali’t napaghulo ko na ang pagpatay sa kanya ay katimbang ng pagpapatiwakal, kaya’t pinigil ko ang aking galit at sinabi na lamang sa kanya, “Batid ninyo Senyor Enriquez na hindi ko magagawa ang inyong ipinagagawa sa akin.” Karaka-raka’y inilitaw niya ang tunay niyang kulay. Tinawag niya ang isa niyang sundalo at sinabi, “Trae el latigo!” (Kunin mo ang pamalo!) Sumunod ang sundalo at nagbalik na taglay ang nakakikilabot na kagamitan. Ibinaba ko ang aking kamay sa ilalim ng mesa, hinawakang mahigpit ang puluhan ng aking balaraw, tiniim ang aking bagang, pinatigas ang aking laman at tangkang itarak ang aking punyal sa kanyang puso sa sandaling siya’y kumilos.
Natigilan siyang sandali, pinaalis ang sundalo at sinabi sa akin “Nakikita mo ang pamalong iyan?” Pag hindi mo tinupad ang ipinagagawa ko sa iyo ay hahagupitin kita hanggang ikaw ay mamatay at ililibing kita sa loobang ito, at walang makakaalam kung ano ang nangyari sa iyo.”
Sabihin pa, natapos na sa sandaling iyon ang piging. Nang ako’y sumapit sa katapusang baytang ng hagdanan ay isinumpa ko sa aking sarili na papatayin ko siya sa kauna-unahang pagkakataon.
Magdamag akong pabiling-biling sa banig. Wala akong makitang paraang makaiwas sa panilong nakaumang sa akin. Alin sa dalawa: ako’y pumatay o bayaang ako’y mapatay. Isa lamang landas ang maari kong piliin, at nang gabing iyon ay binalak ko ang pagsasagawa ng krimen. Walang ilaw sa mga lansangan. Yayayain ko siyang magpasyal at pagsapit sa isang dakong walang tao at walang bahay sa paligid ay susunggabanko siya ng walang abug-abog. Ang pagkagunitang kung gamitin ko ang aking balaraw ay madudungisan ng kanyang dugo ang aking kamay ay nakapagpanginig sa akin dahilan sa takot. Kaya’t ipinasiya kong pukulin siya sa ulo ng panghataw at iwan ko ang kanyang bangkay sa lansangan. Ilang araw akong hindi makakain at hindi makatulog. Ako’y namamanglaw sa napipinto kong pagiging salarin. Humingi ako sa Diyos ng liwanag. Hindi ako nangahas lumapit sa aking ama upang hingin ang kanyang payo, sapagka’t natatakot akong baka siya ang pumatay sa taong iyon. Iniwasan ko ang makipagkita kay Senyor Enriquez sa pag-asang magbabago siya ng isipan. Ngunit isang gabi ay nagpunta siya sa amin at hinahanap ako. Hindi rin ako nakaiwas bagama’t ako’y naialis ng aking ama sa silid. Niyaya niya akong magpasyal subalit humingi ako ng paumanhin sa dahilang hindi pa ako naghahapunan. Mapilit din siya kaya’t nangako akong tatagpuin ko siya pamaya-maya sa liwasay ng bayan. Umalis siya. Hindi ako naghapunan; bumalik ako sa aking silid at hiningi ko ang pamamagitan ng aking ina na alam kong na sa langit, upang iligtas ako ng Panginoon sa napipintong panganib na naghihintay sa akin. Ako’y lumuhod at nanalangin ng buong kataimtiman.
Pagkatapos ay humalik ako sa akin ama ng pagpapaalam, na hindi ko nalalaman kung kami’y magkikita pang muli, at lumakad na akong taglay ang panghataw na inihanda ko para sa pagkakataong iyon. Natagpuan ko si Senyor Enriquez sa pook na aming tipanan, at niyaya niya ako sa kaniyang tahanan. Gaya ng karaniwan ay may taglay siyang bastong yari sa matigas na kahoy. Iminungkahi kong kami’y magpasyal muna at siya’y pumayag. Madilim ang gabi noon at walang tao sa lansangan. Gusto ko hatawin siya kung kailan hindi siya handa, subali’t ang kataksilang ito ay totoong nakasuklam sa akin kaya’t nanlumo ang aking bisig. Sa wakas ay itinanong niya sa akin kung ano na ang nagawa ko hinggil sa kanyang kagustuhan. Ang duo ko’y sumulak sa aking ulo at nalimutan ko ang lahat. “Canalla!” (maruming aso!) ang sigaw ko, at niyabog ko siya ng panhataw. Siya’y natimbuang sa lupa, anim na talampakan sa pagkaunat. Akala ko’y patay na siya at tumipas ako ng takbo tungo sa bundok.
Naglakad ako sa buong magdamag na di ko nalalaman ang pinatutunguhan, sapagka’t di ako sanay sa mga guba na nakaliligid sa aking bayan. Bawa’t aninong makita ko’y akala ko’y isang Guardia Civil na naghahanap sa akin, at ako’y titigil at makikiramdam hanggang sa ako’y masiyahang mali ang aking akala. Nagtatalo sa aking kalooban ang pangambang baka ako’y mahuli at mabaril, sa isang dako, at ang tinig ng aking budhing sumisigaw sa akin ng wikang “salarin,” sa kabilang dako. Sa lahat ng pagbabago ng kapalaran na aking naranasan sa aking mahaba at makasaysayang buhay ay ito ang pinakamasamang gabi para sa akin. Ako’y lubusang nawalang pagasa at di man makapangahas na humingi ng tulong sa Diyos sapagka’t akala ko’y ako’y nahatulan na ng parusang walang hanggan.
Nang mag-umaga’y malayo na ako, ngunit di lubhang kalayuan sa bayan. Ako’y nasa isang maliit na bukirin ng isa sa aking mga kamag-anak.
Nang dumating ang babaing may-aring ng bukirin noong kinahapunan, at makita ako, ay itinanong sa akin, “Saan ka nanggaling? Boong umag’y naghahanap sa iyo ang iyong ama at sinasabi niya sa mga tao na hindi ka umuuwi sa bahay kagabi.”
Itinanong ko sa kanya ng buong pagwawalang bahala ang: “Mayroon bang nangyaring di pangkaraniwan kagabi?”
Sumagot siya, “Oo, ang kabong Guardia Civil ay narinig nagsisisigaw samantalang tumatakbo sa lansangan; at nang ang mga cuadrillero (pulis) ay nagmamadaling sumaklolo sa kanya ay sinabi niya sa kanila na siya’y nakakita ng multo na bigla na lamang nawala sa kanyang paningin. (Ang paniniwala sa mga lumalabas ay laganap pa noon sa mga Pilipino). Ako’y napahinga ng malalim at nagluag ang aking kalooban. Hindi impiyerno at ni hindi bibitayin ang naghihintay sa akin. Hindi ako nakamatay ng tao at ang aking nasaktan ay nahihiyang sabihing siya’y nagolpe ng isang binatilyong kakalahati niya ang laki.
Sa sandaling yoon ay lalong takot ako sa aking ama kaysa Guardia Civil. Ipinasiya kong harapin ang tugtugin at ikumpisal ang buong pangyayari. Umuwi ako sa amin at sinabi ko sa aking ama ang lahat buhat sa simula, hanggang katapusan. Sa halip na ako’y kagalitan, gaya ng aking hinihintay, ay pinangaralan niya ako na sumangguni sa kanya pag ako’y may ligalig. Pagkatapos ay nanlilisik ang matang idinagdag niya: “Hindi na maaaring kausapin ka ng kabong iyon kundi sa harapan ko, at kailan pa ma’t tatangkain niyang ikaw ay pinsalain ay babarilin ko siya.”
Pagkalipas ng tatlong araw ay ipinatawag ako at ang aking ama ng Governador Militar. Siya ay kagila-gilalas at mabangis. Sinabi niya sa aking ama na ako’y kaanib sa katipunan at mayroon siyang sapat na katibayan tungkol dito.
Pagkatapos ay itinanong niya sa akin, “Saan ka naroon kamakalawa sa gabi?”
Ako’y tumigil sandali upang alalahanin kung yoon ang gabi nang aking pagka hataw kay Kabo Enriquez. Hindi. Ako’y nakatitiyak na ako’y na sa amin sapagka’t ang pagkagolpe ay nangyari noon pang sinundang gabi noon.
“Ako po’y na sa amin,” ang sagot ko.
“At itong mga mata kong nakakita sa iyo, at itong mga tainga kong nakarinig saiyong pagtatalumpati sa mga tao at paghikayat sa kanila upang umanib sa katipunan – ang mga mata ko ba at tainga ay nagbubulaan?”
“Senor,” ang magalang subalit matigas kong sagot,” ang mga mata pong iyan ay maari lamang makakita sa akin at ang mga taingang iyan ay maari lamang makadinig sa akin tanging sa akin lamang sariling tahanan.”
“Sukat na!” ang sigaw niya. “Ikaw ay ikukulong sa bahay paaralan (bakasyon noon) hanggang ipadala kita sa Maynila upang siyasatin ng isang hukumang militar at ipabaril.”
“Sumasailalim po ako sa inyong kautusan” ang sagot ko, at dinala ako sa paaralan ng aking ama, na noon ay siya pang guro, at siya ang naging tanod sa akin.
Sa loob ng labinlimang araw ay ako’y napiit sa paaralan at wala liban sa aking ama ang pinahihintulutang dumalaw sa akin o magdulot ng aking pagkain. Binawalan siyang makipag-usap sa akin at boong ingat niyang tinupad ang kautusang ito. Nagtitinginan lamang kami pag dinadalhan niya ako ng pagkain, alin man sa ami’y hindi nagpapahalata ng dinaramdam ng aming puso, at kapwa kami nakatitiyak na ako ay biktima ng isang malubhang kaapihan.
Pagkatapos ng ikaalwang linggo ng aking pagkapiit ang aking ama’y dumating lna nalalarawan sa mukha ang kasayahan at sinabi sa akin na ako’y malayana; na napapaniwala niya ang Governador Militar na ako’y walang kasalanan; at pumayag na ito na ako’y pumunta sa Maynila upang magpatuloy ng pag-aaral, sa ilalim ng pangakong iginawad ng aking ama, sa ilalim ng kanyang banal na panunumpa, na ako’y hindi aanib sa Katipunan at hindi manghihimagsik. Napag-alaman ng aking ama na ang kabong Guardia Civil at, sa isang paraan, ang pare, ang may kagagawan sa aking pagkapiit. Sa dakong huli ay napagalaman ng buong bayan na ako ang humataw sa kabo ng Guardia Civil, at sapagka’t ang mga kastila noon ay hindi lamang iginagalang kungdi kinasisilawan ng mga Tagalog ang aking kapangahasan ay ipinalagay nilang isang kabayanihan at itinanghal akong isang bayani ng mga mababait at sunud-sunurang tao sa Baler. Ang bugtong kong kapatid na buhay pa ay siyang nakapag-iingat ng panghataw na ginamit ko kay kabo Enriquez.
Kinabukasa’y tumungo na kami ng aking ama sa Maynila. Wala pa siyang kuwartang gugugulin sa aking pag-aaral, at malaki ang kanyang utang. Noong siya’y magkasakit ay hindi siya tumangap ng sahod sa pagkaguro at ang aming bukirin ay napabayaan. Sinabi ko sa kanyang huwag siyang mabahala at ako’y maghahanapng aking gugugulin sa pag-aaral.
Pagdating namin sa Maynila ay nagtuloy ako sa pamantasan ng Santo Tomas at nakipagkita ako sa patnugot ng mga Interno, si Padre Tamayo, na naging propesor ko sa San Juan de Letran, at ipinahayag ko sa kanya ang aking kalagayan. Si Padre Tamayo ay madaling nagsabi: “Hindi na kita pagbabayarin ng matrikula, bahay, at pagkain. Ang tungkulin mo’y ang magturo sa mga kapwa mo estudyanteng mangangailangan ng tulong sa matematika. Gagawin mo rin ang balanang maiaatas sa iyo.” Ako’y pumayag.
Sinabi ko sa aking ama na naisisiguro ko na ang aking tirahan at pagkain, at ang para sa aking damit at iba pang gastos ay ako’y hahanap ng ibang gawain sa mga panahon ng aking kaluwagan.
Ang aking ama noon ang pinakamasayang tao sa buong daigdig. “Anak ko,” ang wika niya, ako’y babalik na sa atin sa loob na dalawang oras. Hindi na kita aabalahin ng aking paalaala. Maging maalam ka na lamang at makatarungan sa iyong kapwa tao. Ano man ang tayog ng iyong kakalagyan sa buhay ay huwag mong kalilimutang ikaw ay nagmula sa mga dukhang magulang at ikaw ay kabilang sa mga dukha. Huwag mo silang itatakwil ano man ang mangyari.”
“Pagpalain ka ng Diyos,” ang wika niya ng kami’y maghiwalay. Kailan ma’y hindi ko na siya muling nakita.