“Si Rizal at ang Pilosopiya ng Pagtitiis”
Mensahe sa ika-107 anibersayo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal
Calamba, Laguna
Manuel L. Quezon III
Ika-30 ng Disyembre, 2003
Dahil ngayon ay panahon ng mga survey, magsimula tayo sa mga datos na ibinibigay sa atin ng mga nakaraang “survey” tungkol sa ating mga bayani. Ayon sa isang survey na isinagawa ng Unibersidad ng Pilipinas, unang-una pa rin si Rizal sa mga hanay ng mga bayani. Siyetenta’y singko porsyento ng mga “respondents” ay sumagot na si Rizal ang karapat-dapat na ituring na pinakamakabayan sa ating mga bayani. Ngunit ayon sa isang survey na lumabas sa pahayagang Philippine Daily Inquirer, hindi kilala ng lahat ng Pilipino si Rizal. Sa aking natatandaan, umabot sa diyes hanggang kinse porsyento ng mga respondents ang umamin na hindi nila alam kung sino si Jose Rizal. Kaya una sa lahat, kailangan nating kilalanin ang mga sumusunod na mga bagay. Una, sa nakakarami, nangunguna pa rin sa survey si Rizal, ngunit ikalawa, may malaking bahagi ng ating mga mamamayan na walang kamalayan tungkol sa kanya.
Kailangan nating pag-isipan ito dahil habang nakikilahok tayo ngayon sa isang programa na nagsisikap na magbigay parangal sa ating pambansang bayani, ang ating pagtitipon ngayon ay isang pagsasama ng mga naniniwala sa kabayanihan ni Rizal. Ngunit sa isang daan at pitong taon na lumipas mula nang binitay si Rizal, kataka-taka na sa panahong iyan ay hindi pa umabot sa isandaang porsyento ng Pilipino ang may kaalaman at paghanga sa kanyang buhay at diwa.
Noong nag-aaral pa ako sa Unibersidad ng Pilipinas, isa sa mga tinatakdang kurso ay ang buhay ni Rizal. Sa kursong ito, hindi pantay-pantay ang sistema o mga patakarang panturo ng kurso. Mapalad ako at ang naging propesor ko ay isang indibidwal na naniniwala na kailangang maging mahirap, at masasabi nating masustansya, ang kurso ukol kay Rizal. Hindi lang namin pinag-aralan ang mga sinulat ni Rizal; tinalakay naming ang buhay ni Rizal sa konteksto ng lipunang Pilipino at kasaysayang pandaigdig noong panahon niya. Ngunit habang dumadaan ang mga buwan, nahalata ng aming propesor na nahihirapan ang kanyang klase sa mga teksto na pinapabasa sa amin. Pinagalitan kami nang isang araw noong halatang-halata na hindi namin kayang pag-usapan nang matino ang mga konseptong pampilosopiya ni Hegel, isang Alemang intelektwal. Noong pinagalitan kami, sinabi agad ng isang kaklase ko: “Pambihira naman si Ma’am. Sa ibang Rizal course, hanggang Noli, Fili, at Josephine Bracken lang ang kanilang tinatalakay sapagkat itinatakda lamang ito ng batas.” Hindi ko makakalimutan ang sagot sa amin ng aming propesor. Pinaliwanag niya na walang karapatang makilahok sa buhay ng lipunan ang mga indibidwal na nagpakita ng kakulangang intelektwal sa buhay at mga prinsipyo ni Rizal. “Huwag ninyong kalimutan”, sabi niya, “na ang buhay ng ating pambansang bayani ay nakaukit sa tatlong prinsipyo: kaalaman, katalinuhan, at pagtitiis”. Ang problema daw sa kabataan, minamahal lang namin ang kalayaan. Binasa niya sa amin ang sinulat ng isang makatang Kastila, si Miguel de Unamuno:
“Si Rizal, isang napaka-relihiyosong kaluluwa, ay nadamang ang kalayaan ay hindi isang layunin kundi isang pamamaraan; na hindi sapat para sa isang tao o sambayanan na naisin ang maging malaya kahit na walang tiyak na pagkaunawa ang mabuo kung ano ang magiging silbi ng kalayaan sa kalaunan.
Malinaw naman sa atin na ang buhay at diwa ni Rizal ay tungkol sa kadakilaan na nadudulot ng isang buhay na nagpapakita ng pagmamahal sa kaalaman at katalinuhan ngunit ang hindi kapansin-pansin ay ang kahalagahan ng kabutihan ng konsepto ng pagtitiis. Sa aking sariling pagsusuri, nakita ko na ang konsepto ng pagtitiis ay hiniram ng aking propesor sa yumaong manunulat na si Leon Ma. Guerrero. Sa isa sa kanyang mga sanaysay, ito ang sinulat niya:
Maari natin itong tawaging pilosopiya ng “pagtitiis”. Hindi ito naglalaman ng padalos-dalos na pakikiharap na napapaloob sa Pilipinong konsepto ng “bahala na”, na maaring magtulak tungo sa pagkilos, pwedeng padalos-dalos, hinahayaan na lamang ang kalutasan sa Maykapal, ngunit gayonpaman ay pagkilos pa rin, at sa tanong na “Ano ba ang kailangang gawin?” ay maisasagot, “Maaring ito o iyun, o yung isa pang pagpipilian, subukan lamang natin at tignan kung ano ang mangyayari, wala namang mawawala sa atin”. Ikinatatakot ko na maari akong bumalik sa aking sinasabing pagka-ordinaryo, at ilarawan ito bilang pilosopiya ni Bonifacio at Aguinaldo, ang pilosopiya ng himagsikan.
Ang “pagtitiis” na mensahe ni Rizal ay kakaiba. Sinulat nya “Kailangan nating makamtan ang ating kalayaan sa pamamagitan ng pagigiging karapat-dapat dito, sa pamamagitan ng paghahasa sa isipan at pagpapataas sa dangal ng bawa’t isa, pagmamahal sa katarungan, sa kabutihan, sa kadakilaan, kahit hanggang sa kamatayan. Kapag natarok na iyan ng sambayanan, ang Diyos na mismo ang magbibigay ng sandata, at ang mga diyos-diyosan at malulupit na panginoon ay babagsak na parang bahay na gawa sa baraha.”
Sa tanong “Ano ba ang dapat gawin?”, sasagutin muli ni Rizal: “Magtiis, magtrabaho, at maghintay sa paggabay ng Diyos”.
Ano ang ibig sabihin ng pilosopiya ng pagtitiis? Ang sakripisyo at kahirapan na naidudulot ng isang purong pagmamahal sa kaalaman at katalinuhan ang kailangan nating batayan sa pagkakaintindi sa pilosopiyang ito. Binanggit ni Guerrero sa iba nyang kasulatan na lumalabas ang pagka-Asyano natin sa ating pagpili kay Rizal bilang pambansang bayani. Sa Europa, Kanluran at Timog Amerika, ang kanilang mga bayani ay nakikilala sa kanilang karahasan. Ang pambansang bayani ng Pilipinas ay si Rizal; ng Indiya, si Gandhi. Sa dalawang Tsina, ang kanilang pambansang bayani ay hindi si Mao Tse Tung o si Chiang Kai Shek: ang kinikilalang ama ng Tsina ay si Doctor Sun Yat Sen. Sa Timog Africa, si Nelson Mandela. Mga taong naging bayani dahil sa kanilang pagmamahal sa payapang pagbabago at progresibong pagsisikap tungo sa pagbubuo ng kanilang mga lipunan. Sa ating sariling lipunan, ang isa sa mga pinaka-ginagalang na miyembro ng komunidad ay ang guro. At sa milyon-milyong pamilyang Pilipino, ang isa sa mga pinakamatibay na tradisyon ay ang pagtitipon ng kakayahan ng pamilya upang pag-aralin ang isang kasapi na maging propesyonal, katulad ng ginawa ng kapatid ni Rizal na huminto sa pag-aaral upang magtrabaho para mapag-aral ang kanyang kapatid. Ang kaalaman at katalinuhan ay bunga ng paghihirap at pagsusubok. Maraming kailangang daanan ang isang tao upang makatikim ng bunga ng kanyang pag-aaral. Sa hanay ng mga magulang at mga kapatid, maraming taon ang lilipas bago nila makita ang bunga ng kanilang mga sakripisyo at kahit dumating man ang araw na naging isang doctor, abogado, guro, o inhinyero na ang kanilang anak o kapatid, hindi pa rin nila masisiguro na palaging maging maginhawa ang buhay ng kanilang angkan. Ngunit, ayon kay Rizal, at sa pananaw ng nakakarami sa ating kapwa Pilipino, mismong ang pagsisikap tungo sa kahusayan ang lumilikha ng tinatawag nating kalinangang panlipunan: ang pagsasabuhay ng kahalagahan ng pagtitiyaga, disiplina, kamulatan, at katapatan hindi lamang sa pamilya kundi sa buong sambayanan.
Ayon kay Guerrero, minana natin sa mga Kastila ang kakulangan ng kalinangang panlipunan. Ayon nga sa opinion ng nakararami, ang pamamalakad ng gobyerno at ang paggamit ng kapangyarihan sa ating lipunan ay kopya ng mga kakulangan ng mga Kastila: pulitika bilang laro; kapangyarihan bilang paraan upang mapaunlakan ang mga mabababaw na kagustuhan. Namana naman natin sa Amerika, ayon kay Guerrero, ang materyalismo—ang pagmamahal sa mga bagay at hindi mga prinsipyo, at ang pananaw na ang mga kasangkapan ang nagpapatunay ng kagalingan. Ang pilosopiya ng pagtitiis ay ang kaisa-isang paraan kung paano natin maiiwasan ang nakalalasong pamana ng mga dayuhang naghari sa atin; at ang paraan kung paano natin malulutas ang problema ng kawalan ng pag-asa.
Nakita ni Rizal sa kanyang kapaligiran ang dinudulot ng kakulangan ng pag-asa. Sinikap niyang magbigay ng paraan upang maangkin ang pag-asa ng isang lipunang malaya ngunit responsable. Hanggang sa araw ng kanyang pagkamatay, nag-alala si Rizal na kung hindi maisapuso ng kanyang mga kababayan ang kahalagahan ng pagtitiis bilang kinakailangang paraan upang makatatag ng isang lipunang makatarungan, magiging kaakit-akit ang dahas bilang paraan upang malutas ang kasalukuyang suliranin. Sa kanyang talambuhay ni Rizal, tinalakay ng yumaong mamamahayag na si Teodoro M. Locsin ang sumusunod:
“Ang tinig ng pagtitimpi na nagmamakaawa para sa nararapat na pagsasagawa ng batas sa ilalim ng ganap na kalupitan, na nakikipagtalo para sa posibilidad ng paghikayat sa tigre na baguhin ang kanyang mga guhit at itigil ang kanyang pagiging tigre, ay hindi nakakakilala sa tigre. Upang pakiusapan ang tigre at ang tupa na humiga nang magkasama sa kaamuan—na para bang ito ay maaring mangyari— ay nagtatanggal ng sandata sa tupa at nagpapakain sa tigre. Ito ay kahalintulad ng mga pariseo: paggawa sa kasamaan na may malinis na konsensiya. Sa wakas, ang tigre na namangmang na sa pamamalakad nang walang kalaban ay hindi na nakakaalam sa pagkakaiba ng kaibigan at pagkain at kakainin hindi lamang ang tupa kundi ang pariseo.”
Narito sa sinulat ni Locsin ang problemang naidudulot ng pilosopiya ni Rizal. Lahat ng tao ay may hangganan sa kanyang kakayahang magtiis. Darating din ang araw kung saan sasabihin ng isang tao, tulad ng sinabi natin bilang sambayanan, na “Tama na, sobra na, palitan na”. Dumating ang araw na ito sa katapusan ng buhay ni Rizal kung saan nagliyab ang ating himagsikan kontra sa Espanya. Sa aking pananaw, alam na ni Rizal na sa likod ng paghihimagsik ng kanyang mga kababayan, naitanim na niya ang pagmamahal sa kaalaman, katalinuhan, at pagtitiis sa kanilang mga puso. At kahit nakikita na nya na susugpuin ng mga dayuhan ang ating rebolusyon, naihanda na niya ang paraan upang makamit ng mga darating na salinlahi ang kalayaan.
Isa sa mga tagahanga ni Rizal at isa sa mga bayaning malapit sa kanyang katapatan at debosyon sa bansang Pilipino ay si Apolinario Mabini. Katulad ni Rizal, si Mabini ay isang intelektwal na naniniwala sa reporma bilang tiyak na paraan upang maitatag ang isang lipunang makatarungan.
“Sa paglalagom, hindi nagtagumpay ang Rebolusyon dahil hindi tama ang pamamahala dito; dahil nakamit ng kanyang pinuno ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at hindi dahil sa mga kapuri-puring gawain; dahil sa halip na suportahan ang mga taong kapaki-pakinabang sa taumbayan, tinanggalan niya sila ng pakinabang dahil sa inggit. Sa pamamagitan ng pagtutulad ng pagpapayaman ng sambayanan sa kanyang sariling pagpapayaman, hinusgahan niya ang halaga ng tao hindi batay sa kanilang kakayahan, pagkatao, at pagkamakabayan kundi sa tindi ng pakikipagkaibigan at pagiging kadugo niya; at dahil sa siya’y hindi mapakali na makuha ang kahandaang magsakripisyo ng buhay para sa kanya ng kanyang mga paborito, hinahayaan niya sila kahit sa kanilang mga pagkakamali. Dahil pinabayaan niya ang sambayanan, tinalikuran din siya ng sambayanan; at sa pagtalikod sa kanya ng sambayanan, hindi nakakapagtaka na siya ay bumagsak katulad ng isang imaheng gawa sa pagkit na natutunaw sa init ng kasawiang-palad. Nawa’y ipagkaloob ng Diyos na hindi natin malimutan ang kasindak-sindak na aral na ito na natutunan kapalit ng hindi mailarawang paghihirap.
Sa kasaysayan ng ating bayan, paulit-ulit nating nakikita ang pag-apaw ng kawalan ng pagtitiyaga sa umiiral na sistema. Ngunit nakikita rin natin ang paulit-ulit na pagsilang ng panibagong pag-asa na dulot ng pagbabago. Habang mayroon tayong natututunan mula sa mga nakaraang krisis, naghahanap pa rin tayo ng paraan upang mapag-ingatan ang dagdag na kamulatan na dulot ng pakikipaglaban natin sa mga dayuhan, diktador at mga mapanlinlang na pinuno. Ngunit hindi na natin kailangan pang lumayo upang makahanap ng mga solusyon sa ating mga suliranin. Ang kasagutan ay matagal nang nariyan sa mga kasulatan ni Rizal. Ang kaliwanagan na dulot ng buhay at kasulatan ng ating pambansang bayani ay ang kaisa-isang paraan upang maiwaksi ang kakulangan natin ng pag-asa; ang pag-iintriga at inggit sa isa’t isa; ang pagkukulang sa pananagutan at pagkatotoo ng mga hinahalal at naghahalal. Sa masakit, mahirap, at mabagal na pagsasagawa ng pag-ani ng kaalaman, katalinuhan, at pagtitiyaga lamang makakamit ang lipunan ng Pilipinong walang sinasambang mga hari kundi kapatiran at kalayaan.
Ang aking mithiin ay bigyan ng panibagong kahalagahan at konsentrasyon ang pagtuturo ng kurso ng buhay ni Rizal sa ating mga pamantasan at mga kolehiyo. Marami pa ring mga institusyon na takot sa kamulatan na naidudulot ng masusing pag-aaral at pagbabasa ng mga nobela at sanaysay ng ating pambansang bayani. Ang buhay ni Rizal ay dapat nating talakayin sa konteksto ng kanyang panahon, at ng kasaysayan ng ating bansa mula noong naging martir siya sa Bagumbayan isang daan at pitong taon na ang nakakaraan.
Sa totoo lang, ang daan tungo sa kalayaan ay naitakda sa dugo ng mga martir na namamatay dahil sa kanilang mapayapang pagkontra. Ang tagumpay ng kalayaan sa kasaysayan ng Pilipinas ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng bala at dahas kundi sa pagtitiis, sa pagpapakita ng isang buhay na makatarungan, at sa kamatayan na marangal. Noong sinuri ng Kastilang doktor ang pulso ni Rizal bago siya barilin, nagulat ang doctor dahil panatag ang pulso nito. Sa kadalisayan ng kabutihan nagmumula ang pag-asa sa kinabukasan.
Hindi lahat ng mga propesor at guro na nagtuturo ng buhay ni Rizal sa mga kolehiyo ay may konkretong kaalaman sa mga pilosopiya ni Rizal. Mas madalas, sa maraming pagkakataon, hindi napagtutuunan ng magandang paraan upang mapag-aralan ang kurso ni Rizal.
http://www.myfjordz.com