Ang Mabuting Laban, ni Manuel L. Quezon
PAHAYAG NG ORIHINAL NA NAGLATHALA
Sa loob ng nagdaang dalawampun’t walong taon ay naging kapalaran ko ang maglathala ng maraming aklat – ang iba ay may malalim at pampalagiang halaga, at ang iba ay upang libangin lamang ang mambabasa. Ang dalawang uring ito ay kapwa mayroong kanya kanyang pitak at kagamitan.
Baga ma’t maraming may akda ang lubos kong kilala, ay ito ang kaunaunahang pagkakataon na ako’y nasigasig na gumanap ng aking bahagi, baga ma’t babahagya, sa pagpapakilala sa madlang mambabasa, ng isang aklat na nagtataglay ng tanda ng aking kompaniya.
Subali’t ang pangyayari ay di pangkaraniwan.
Ang may akda ng aklat na ito, para sa akin ay higit kaysa isang may akda; sa loob ng tatlumpung taon siya’y naging matalik kong kaibigan. Una ko siyang nakilala noong ako’y kagawad ng komisyonado Pilipino at Kalihim ng Pagtuturong Pangmadla (Secretario de Instruccion Publica) noong 1907. Siya ay nahalal na kagawad ng kaunaunahang Asembleya Pilipina, at laging kailangan ko siyang kausapin sa wikang kastila sapagka’t halos wala siyang nalalaman noon sa wikang Ingles. Marami ang malapit sa kanya sa mga kalilipas pang taon ng kanyang mataas na panunungkulan, subalit nangangahas akong maniwala na walang nakakaubaybay sa kanyang matalinong buhay pangmadla (vida publica) at sa kanyang matapat at makataong buhay pansarili, na di nakakakilala na siya ay isa sa iilan na, buhat sa lahat ng lahi at lahat nang kapanahunan, sa ilalim ng anomang balakid, ay nagtataas ng nagniningas na sulo ng maunlad na pamamatnugot upang makaakay sa paglalakbay ng kanilang kapwa tao.
Sa loob ng siyam na taon ay aking hinikayat ang aking kaibigang si Manuel Quezon, na sumulat ng isang aklat tungkol sa kanyang mga karanasan. Baga ma’t hindi siya tumatanggi ay lagi nang mayroong bagay na lalong nangangailangan ng kanyang panahon at lakas.
Kinakailangan ang pagsalakay ng Hapones sa kanyang pangalawang Inang bayan, upang mapilit niyang iwanan ang pamamahingang karapat-dapat para sa kanya, at gamitin ang kanyang ligalig na pag iisip at kataw-an sa paglikha nito na, para sa akin ay isang nakawiwiling kasaysayan ng isang likas na kadalubhasan na walang malay na umaani ng kanyang karampatang ganting pala.
Sa pangalawang pamagat ay sinasabi na ang salaysay na ito ay sa sariling mga salita ni Presidente Quezon. Ito ay katotohanan. Bawa’t dahon nito, maliban na lamang sa tatlong maikling kabanata na may pananda, na nagmula sa kanya sa natatalang pakikipag-usap, ay idinikta niya sa wikang Ingles sa kanyang kalihim na si Señor Serapio D. Cancran, at isinulat sa wikang Ingles.
Pagkatapos ito’y dumating sa aking mesa, isang araw, at aking binago ang isang salita rito, isang panahunan doon-maliliit na bagay upang banggitin pa rito.
Pagkatapos ay nagpatuloy sa pagkalimbag.
Kinailangang sulatin ito ni Presidente Quezon sa memorya sapagka’t ang kanyang mga talaarawan at mga sariling kasulatan ay naiwan sa Palasyo ng Malacanan, ang “Gusaling Puti” ng Pilipinas, bago siya sumama kay Heneral MacArthur sa Korehidor, o nahulog sa kamay ng mga Hapones na nakabihag sa lantsang “Princess of Negros” sa malapit sa bayan ng San Carlos sa pulo ng Negros noong ika 16 ng Marso, 1942.
Para roon sa mga nagkapalad na makarinig kay Manuel Quezon magsalita sa kanyang mga kababayan sa kanyang sariling wikang Tagalog, gaya nang naranasan ko, bagama’t di ko siya naiintindihan, at para roon sa nakarinig sa kanyang bumigkas ng kanyang maapoy na talumpati sa dalisay na wikang kastila-gaya ng malimit kong naranasan-ay isang pambihirang pagkakataon na mamalas ang taong itong maglarawan sa kanyang sarili nang walang paglilingid, gaya ng isang bata, sa isang mahirap at banyagang wika na wala siyang alam ni isang salita, hanggang sa malaon na niyang nasapit ang sapat na gulang.
Ako’y may sapat na kapangahasang magsabi na ang magiting na bayang Pilipino ay hindi maarig magkaron ng lalo pang dakilang tagapagtanggol.
W. Morgan Shuster
Nuweba York
Agosto 18, 1944